9.21.2006

Before Sunrise, Before Sunset

NOON, mahilig akong kumuha ng larawan ng papalubog na araw.

Photobucket - Video and Image Hosting

Ngunit ayon sa mga nakatatanda, may kasabihan na bawal kuhanan ng larawan ang paglubog nito. Anila, trahedya ang sasalubong sa sinumang kumuha ng imahe ng araw sa mga huli nitong hininga.

Tama siguro sila. Dahil matapos nito, dalawang taong pinakamahalaga sa buhay ko ang biglaan na lang nawala.

Nagalit ako. Hindi naman kasi ako naniniwala sa mga kasabihan o pamahiin o mga hula. Pero hindi na ako muling humarap dito na hawak ang aking kamera.

Ngunit minsan, tinatawag pa rin ako nito. Hinahalina niya akong kuhanan siyang muli at hayaang patunayan na wala siyang kinalaman sa trahedya. Ang sinag nga naman niya ang nagbibigay-buhay sa mga halaman, sa hayop, sa tao...Sa paanong paraan siya naiugnay sa kamatayan?

Tinatawag niya ako. Pero hindi na ako paiisa. Hindi na ako papayag na isa na naman sa mga mahal ko ang kunin niya. Kailangan unahan ko siya.

Photobucket - Video and Image Hosting

Papasilip pa lamang siya nang makita niyang hawak ko ang aking kamera. Naunahan ko siya. Nakuhanan ko siya habang papasikat pa lamang ang kanyang mga sinag, habang buo pa ang pangako niyang isa siyang tagapagbigay-buhay at hindi tagapagdala ng trahedya.

Sininagan ako ng araw sa mukha. Hinaplos niya ang aking pisngi habang pikit-mata kong ninamnam ang init ng kanyang palad. Nakangiti siya at maamo ang mukha, taliwas sa imaheng tumatak sa isip ko dahil sa mga trahedyang kanyang pinaranas.

"Bati na tayo?" aniya.

Hindi ko alam ang isasagot. Natatakot akong sumagot. Paano kung hayaan niya muli akong kuhanan siya ng larawan kapalit ng buhay ng aking minamahal? Paano kung isa itong patibong kung saan pilit niya akong ihinuhulog? Paano kung hindi siya tapat? Paano kung niloloko niya ako? Paano kung hindi naman talaga siya nakikipagbati?

"Ayoko."

Tinanggihan ko ang alok ng haring araw. Tumalikod ako at nagsimulang tumakbo papalayo sa kanyang kinatatayuan. Sa pagtakbo, nabitawan ko ang aking kamera.

No comments: