9.04.2007

Pagsaludo sa aking ika-27 taon

BIRTHDAY ko ngayon. Yes, ka-birthday ko si Beyonce. Tinawagan ko na nga siya kanina para batiin pero as it turned out, hindi pa pala September 4 sa kinaroroonan niya kaya sabi niya tawagan ko na lang siya later at saka siya batiin ulit. Tsk, tsk. Primadonnang celebrity. Siguro nagmi-midlife crisis na rin.

Naalala ko tuloy kung paano ako nag-midlife crisis last year. Sa sobrang pagka-depress, nag-quit ako sa trabaho at nag-vow sa sarili na kapag 27 na ako eh dapat masimulan ko nang gawin ang mga bagay na matagal ko nang gustong gawin. Tulad ng pagsusulat. Well, matagal na naman akong nagsusulat pero gusto kong matawag na “writer.” Actually, creative writer/scriptwriter/journalist kind of writer. Samahan mo pa ng kagustuhan ko ring maging documentarist/filmmaker. ‘Yun ang mga pangarap kong maging. Kaya last year, kahit wala pang nag-aabang na bagong trabaho sa akin, nag-quit ako sa trabaho at bahala na si Batman. Basta ang sabi ko sa sarili ko, kung hindi ngayon kelan pa? Baliw ang tingin sa akin ng ibang tao dahil para raw akong nag-flying trapeze nang walang safety net—naka-blindfold pa.

Pero sa totoo lang, sa lahat ng desisyong nagawa ko sa buong 27 years ko sa mundo, iyon ang pinaka-‘da best’ na desisyong nagawa ko. Dahil doon ako nagsimulang mangarap, mag-enjoy sa mga bagay na ginagawa ko, makaramdam ng kalayaan at kaligayahang hindi matutumbasan ng salapi. Sa panahong iyon ako nagsimulang lumago, mag-aral tungkol sa mga bagay na matagal ko nang gustong matutunan, at magkaroon ng direksyon ang buhay. Sa panahong iyon ko nakita ang aking mga kahinaan at kalakasan, o ang limitasyon ko at sukdulan.

Ngayon, masaya akong sinasalubong ang ika-28 kong taon. Mahirap pa rin ang daan—at mahirap pa rin ako—pero sa wakas mayroon na akong mga konkretong plano. Ngayon, nagmamahal ako, nangangarap, umaaksyon, naninindigan, nagsasalita, nabubuhay. Nag-iipon para sa una kong short film. Nagre-research para sa susunod na script. Nag-aaral kung paano gumawa ng maganda at makabuluhang pelikula. Nag-iisip ng plotlines para sa planong full-length film. Natututo sa mga bagong katrabaho at kakilala. At higit sa lahat, paunti-unting lumalapit sa pangarap kong maging totoong manunulat.

***

Salamat sa lahat ng taong nagbigay halaga sa akin sa ika-12 midnight ng September 4.

Sa aking palangga -- Ang galing mo talagang bumawi. Sana tuloy-tuloy na itong kaligayahan nating ito. Mahal na mahal kita.

Sa aking best friends na sina Aya, Marlon, at Dieph -- Hugs. Hugs. Hugs. Wala akong masabi. Salamat talaga at lagi kayong nandiyan. Hugs. Hugs. Hugs.

Sa lahat ng bumati -- Sana mai-share ko rin sa inyo ang kaligayahang nararamdaman ko ngayon. Maraming salamat.